Sa usapin ng anyo, bagaman walang kaisahan ang tugma at sukat (bunga marahil ng pagsasalin mula sa orihinal na Hiligaynon), mahihiwatigang namamayani ang sukat na wawaluhin gaya ng makikita sa unang saknong. Kahit sa anyo ng mga tulang Tagalog, kontrobersiyal ang pagiging katutubo ng wawaluhin, ayon kay Almario. Bagaman walang duda na katutubo ang tanaga, pinagdududahan ang dalit dahil sa naging apropriyasyon dito ng mga “dalit kay Maria” pagdating ng mga Kastila. Bukod dito, wawaluhin din, hindi pipituhin, ang ginamit sa paghalaw ng iba pang anyong banyaga gaya ng korido. Sinabi ni Lumbera na sikat noong panahon na iyon sa Europa ang octosillabo kaya’t maaaring naipataw sa atin mismong estetika at naging batayan ng malikhaing pahayag sa istruktura ng isang tula.
Bukod sa tugma at sukat, makikita rin sa mismong anyo ng “Flores de Mayo” bilang isang dasal-awit ang pagkakahawig sa panambitan ng mga troubador sa Europa ng Edad Medya na naglilibot sa iba’t ibang manor o lupain at “naniningalang-pugad” sa kanilang sinisinta. Ang ganitong panambitan at papuri ang tataglayin bilang pasintabi-pag-aalay sa Mahal na Birhen sa mga korido, gaya ng panimula sa Ibong Adarna, na gagawing sekular ni Balagtas sa pag-aalay niya kay Selya sa Florante at Laura.
Pagdating sa nilalaman, makikita ang magkahalong relasyong horizontal at vertical ng tinig sa kaniyang kinakausap. Ang ganitong pagbabago-bago ng identidad ng tiyak na kinakausap ang katangian ng multitude ng preokupasyon na nasa kamalayan ng tulang nakapaloob sa diskurso ng pagsasalba. Sa isang banda, makikita ang tinig na horizontal kapag kinakausap ng persona ang mga kapwa “bininyagan” at “devotos,” at inaanyayahan silang magtungo at magpuri kay Maria. Sa kabilang banda, makikita ang tinig na vertical at pataas kapag dumudulog kay Maria at nananawag upang “iligtas” silang mga binyagan mula “sa kaitaasan/ ng trono mong inuupuan.”
Nakaangkla sa diskurso ng Edad Medya ang pagkilala ng persona na nasa kondisyon sila ng “kadiliman” kaya’t panawagan kay Maria na “Inyo kaming ilawan.” Bagaman nagtapat ang una persona tagala sa isang naunang tula na malalampasan ang lahat “may bagyo ma’t may rilim,” kinikilala sa dasal-awit na ito ang pangangailangan ng liwanag “at nang di kami lumihis/ sa larangan ng kabutihan.”
Tigib ng bulaklak ang buong tula, ang flores ng Mayo bilang gitnang buwan, tag-araw sa isang taon, ay flores din ng romanse ng Edad Medya na nilililok kahit sa mga espada ng mandirigma ang mga bulaklak. Narito ang pag-iisa-isa sa “magagandang bulaklak”: rosal, asusena, klabeles, liryo. Ang mga bulaklak “na nagpapasaya/ sa puso ni Maria,” bgaman “higit [siyang] kaibig-ibig/ kaysa mga bulaklak ng Mayo.”
Narito rin ang mga misteryo ng Edad Medya na nag-angat umano kay Birheng Maria samantalang aprokipal ang pagtatangi sa isa pang Maria, kay Magdalena, bilang siyang totoong reyna ng Diyos, ni Hesus, ang siya umanong inilihim ng simbahan, gaya ng popularisasyon ni Dan Brown sa mitong ito, at ikinubli rin sa bulaklak, ang Rosicrucians. [tatapusin]